Sapat Na Ang Ilang Segundong Bidyo

Labingsiyam (19) na taon na ang nakararaan nung ma-interview ang Nanay ko ng The Probe Team (Che-Che Lazaro’s production team) para sa aming undergarments business. Ang name nung show ay “Che Che Lazaro Presents”, na umi-ere tuwing Sunday ng gabi sa GMA 7. Nandoon ako nung ininterview siya at napanood ko din ito nung ipinalabas ‘yun sa national television.

Oo, masasabi kong medyo “cool” yun. Ikaw ba naman lumabas sa TV at mainterview para sa isang show, sino ba naman ang hindi magiging excited, diba? Pero nung mga panahon na ‘yun, hindi naman ako masyadong interesado sa interview na ‘yun o sa palabas na ‘yun.

Pero nung pumanaw ang Nanay ko 10 years ago, biglang sumagi sa isip ko yung interview na ‘yun at dun lang ako naging interesadong muli na mapanood iyon. Sabi ko sa sarili ko na gusto kong makakuha ng kopya nun, o kahit mapanood man lang uli.

Kaso noong mga panahong ‘yun, hindi pa uso ang internet. Wala pang Youtube, Facebook, at iba pang uri ng social media. At hindi pa din uso ang mga cellphone na may camera, kaya hindi din namin nai-record. Pager pa lang yata ang uso nun (Kaway-kaway sa mga batang 90’s diyan).

So kung wala pang internet noon, paano ko mahahanap yung video na ‘yun? Paano ko mako-contact yung production team na nag-interview sa Nanay ko? Or worse, baka hindi na sila nag-eexist. Paano at saan ako magsisimula? ‘Yan ang mga tanong na umiikot sa isip ko.

Ang hiling ko na mapanood o magkaroon ng kopya ng show na ‘yun ay para bang suntok sa buwan. Hindi ko alam kung anong hakbang ba ang dapat kong gawin.

Pero nagpatuloy lang ako sa pagdarasal na sana, isang araw, makakuha ako ng copy nun. Or kahit link man lang, para mapanood ko uli sa Tatay ko at sa dalawa kong kapatid na nung mga panahon na iyon ay maliliit pa.

Hanggang sa 2 years ago, may nakilala akong solo traveler na nagta-trabaho sa Museo Pambata. Ang pangalan niya ay Cha. Sa pagkukwentuhan namin ni Cha, napag-alaman ko na ang head pala ng Museo Pambata ay kapatid ni Che-Che Lazaro.

Nung nabanggit niya iyon sa akin, nanlaki yung mga mata ko. Nagulat ako sa nadinig ko at bumilis ng bahagya yung heartbeat ko. Kinuwento ko agad sa kanya yung sitwasyon ko at nakiusap na tulungan ako.

Sakto din na may kakilala daw siya na nagtatrabaho pa din sa production ng The Probe Team. Ilalapit daw niya yung concern ko. Siya din mismo ay naging excited para sa akin.

May isa nga lang problema. Hinihingi ng production team kung anong date daw umere yung show, para madali nila mahanap sa database nila. Ang kaso hindi ko na talaga maalala. Ang naalala ko na lang talaga ay yung taon, which is year 1999.

So imagine kung ilang show nila ang umere sa taong 1999? Kung 52 weeks mayroon sa isang taon, so malamang 52 shows din ‘yun. Alangan namang panoorin nila lahat ‘yung 52 segment na ‘yun, diba? Kaya nag-aalala ako kung mahahanap nga ba nila.

Hanggang isang araw, nakatanggap ako ng menhase kay Cha. Sinabi niya na nagtext daw sa kanya yung friend niya sa The Probe Team, at nakita na daw yung segment na hinahanap ko.

Wow! Sobrang saya ko nung nalaman ko yung balitang ‘yun. Hindi ko alam kung paano nila nakita yung kopya kahit na yung year ng segment at pangalan lang ng Nanay ko yung binigay ko. Basta masaya ako. Bayaran ko na lang daw through bank yung fee na kailangan para makakuha ako ng copy, at pagkatapos nun ay pwede ko nang kuhanin yung CD sa opisina nila sa Ortigas.

Nung kukuhanin ko na yung kopya sa opisina nila, apparently wala doon yung friend ni Cha. Gusto ko sana magpasalamat ng personal sa effort na ginawa nila.

Ibinilin na lang niya sa kasama niya yung kopya. Nung iniabot na sa akin yung CD, ikinuwento ko din yung istorya kung bakit ako nanghingi ng copy at natuwa naman sila. Masaya daw sila na naging parte sila sa istorya ng Nanay ko.

Pag-uwi ko ng bahay, kahit hindi pa ako nagbibihis ay isinalpak ko na agad yung CD sa computer ko. Para akong kinakabahan, at the same time excited. Nung napanood ko na yung segment ng interview ng Nanay ko, all smiles lang ako. Sobrang saya ko.

Ganoon pala ‘yun noh? Sa sobrang tagal na hindi ko na naririnig yung boses ng Nanay ko, parang nanariwa uli sa akin nung nadinig ko yung boses niya. Para akong nanibago. Ang sabi ko sa sarili ko, “Ay oo nga pala, ganun nga pala yung boses ni Mama.”

Naaalala ko pa din naman sa utak ko yung boses niya. Pero iba lang talaga yung feeling na marinig muli ng tenga mo yung boses niya. Inuulit-ulit ko yung video, halos maiyak na nga ako kase na-miss ko siya bigla.

*****

Yung kopya na nakuha ko ay hindi talaga yung sa mismong segment ni Che-Che Lazaro na umere sa TV. Parang ibang show na siya (EntrePinoy), at may ibang host (Guia Gomez), tapos ifineature lang din yung sa business namin. Kaya yung interview dito ng Nanay ko ay pinutol na. Maikli lang yung portion niya dito, iilang segundo lang. Unlike yung actual na umere sa TV na mahaba talaga yung exposure niya.

Pero ganun pa man sobrang saya ko pa din na mapanood ang Nanay ko at mapakinggan muli ang boses niya. Sapat na sa akin ang ilang segundo na ‘yun, dahil sa ilang segundong ‘yun ay parang buhay muli ang aking Ina.

*****

Ito yung interview ng The Probe Team sa lugar namin (with the same business as ours). At isa ang Nanay ko sa mga ininterview. Siya yung naka color red sa bandang dulo (4:07 – 4:21) & (4:29 – 4:32), and voice over (4:42 – 4:52). Na-extra din pala ako diyan ng dalawang segundo (4:30 – 4:32). Mabilis lang kaya ‘wag kayong kukurap. Hahah.

Copyright:

Unlimited Productions Inc. Β©
Probe Productions Inc. Β©

*****

Marahil isa ito siguro sa mga dahilan kung bakit mas madalas na ako kumuha ng video ngayon kumpara sa pagkuha ng mga litrato. Don’t get me wrong, masaya pa din makakuha at makapag capture ng moment sa pamamagitan ng mga litrato.

Pero iba kase talaga kapag video. Like sa case ng Nanay ko, sa pamamagitan ng maikling video na ito, nakikita kong muli ang mga paggalaw niya at naririnig kong muli ang boses niya. Bagay na hindi ko na magagawa sa totong buhay.

Kaya huwag niyong hayaang masayang ang segundo ng buhay niyo na hindi man lang nasasabi sa inyong mga magulang kung gaano niyo sila kamahal at kung gaano sila ka-importante sa inyo.

Magse-settle na lang din ba kayo sa ilang segundong bidyo? O sasamantalahin niyo na ang pagkakataong ito habang sila’y nakakasama niyo pa?

Pag-isipan mo, kapatid. πŸ™‚

Hakuna Matata!

God bless everyone.

– Jeff

P.S. Happy 60th Birthday, Mom! Belated. Heheh. Maligayang kaarawan sa ating dalawa. Dati dalawa tayong nagce-celebrate ng birthday kapag November. Ngayon ako na lang mag-isa. Anyway, we miss you and we love you.

Shades of Wanderer signature

Advertisements

11 Replies to “Sapat Na Ang Ilang Segundong Bidyo”

Leave a Reply to Jeff Cancel reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s